Matapos ang lahat ng saya ng Pasko, tila pagkatalo naman ang sumunod na araw. Nagpalipas kami ng magdamag sa bahay ng mga kaibigan, ngunit hindi kami nakatulog nang maayos. Pagkatapos, nasira ang aming sasakyan habang pauwi na kami. Tapos, nagsimulang bumuhos ang snow. Iniwan na namin ang sasakyan at nag-taxi na lang pauwi.
Hindi kami nag-iisa sa pakiramdam ng kalungkutan pagkatapos ng Araw ng Pasko.
Hindi man binabanggit sa Biblia ang araw pagkatapos ng kapanganakan ni Jesus, maaari nating isiping pagod na pagod sina Maria at Jose. Naglakad sila patungong Betlehem, nahirapan sila sa paghahanap ng matutuluyan, nariyan rin ang sakit ni Maria sa panganganak, at ang walang paalam na pagbisita ng mga pastol (LUCAS 2:4–18). Subalit habang niyayakap ni Maria ang sanggol na si Jesus, marahil iniisip niya ang pagbisita sa kanya ng anghel (1:30–33), ang pagbabasbas sa kanya ni Elizabet (TAL. 42–45), at ang kanyang sariling pang-unawa sa kapalaran ni Jesus (TAL. 46–55). “Iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito” (2:19), na tiyak na nagbigay liwanag sa kapaguran at pisikal na sakit niya nang araw na iyon.
Lahat tayo ay maaaring makaranas ng malungkot na araw, kahit sa araw pagkatapos ng Pasko. Tulad ni Maria, harapin natin ang mga ito sa pamamagitan ng pagninilay na pumarito sa atin ang kaisa-isang Anak ng Dios, na nagbibigay liwanag dito sa mundo.
