Tatlong araw bago ang pagsabog ng bombang yumanig sa kanyang tahanan noong Enero 1957, nakaranas si Dr. Martin Luther King Jr. ng isang tagpo na nagmarka sa kanya magpakailanman. Matapos makatanggap ng isang pagbabanta sa kanyang buhay, naisip ni King ang isang estratehiya upang umalis sa civil rights movement. Taimtim din siyang nanalangin, “Nandito ako para tumayo sa kung ano ang pinaniniwalaan kong tama. Pero ngayon, o Dios, natatakot ako. Wala nang natira sa akin. Dumating na ako sa puntong hindi ko na ito kayang harapin nang mag-isa.” Pagkatapos ng kanyang panalangin, dumating ang kapayapaan at katiyakan. Napansin ni King, “Nagsimulang mawala ang aking mga takot. Handa ko nang harapin ang kahit ano.”
Sa Juan 12, sinabi ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon” (TAL. 27). Naging tapat Siya sa Kanyang nararamdaman; ngunit nakatuon pa rin Siya sa Dios sa Kanyang panalangin. “Ama, ipakita n’yo ang inyong kadakilaan!” (TAL. 28). Isang pagsuko sa kalooban ng Dios ang panalangin ni Jesus.
Normal sa atin bilang mga tao ang makaramdam ng takot at pagiging hindi kumportable kapag nahaharap tayo sa mga pagdedesisyon tungkol sa Dios, sa relasyon natin sa ating kapwa, at maging sa ating mga ugali at gawi. Anuman ang ating kinahaharap, habang matapang tayong nananalangin sa Dios, ibibigay Niya sa atin ang lakas upang malampasan ang ating takot, at gawin ang nagdadala ng kaluwalhatian sa Kanya—para sa ating kabutihan at kabutihan ng iba.
