Sa bisperas ng Bagong Taon noong 2000, maingat na binuksan ng mga opisyal sa Amerika ang isang time capsule na may isang daang taong gulang. Nasa loob ng time capsule ang mga positibong prediksyon mula sa ilang lider ng lungsod. Inihayag nilang magiging masagana ang lungsod. Gayunpaman, nagbigay ang alkalde ng ibang pananaw: “Nawa’y payagan kaming ipahayag ang isang pag-asang higit sa lahat ng iba... na inyong mapagtanto bilang isang bansa, at lungsod, na lumago kayo sa katuwiran, sapagkat ito ang nagbibigay-dangal sa isang bansa.”

Higit sa tagumpay, kaligayahan, o kapayapaan, ang nais ng alkalde para sa hinaharap ng kanyang nasasakupan. Nais niyang lumago sila sa katarungan at katuwiran. Marahil kinuha niya ang inspirasyon mula kay Jesus, na pinagpapala ang mga namumuhay para sa Kanyang katuwiran (MATEO 5:6).

Purihin ang Dios na hindi natin kailangang umasa sa ating sariling pagsisikap upang lumago. Ganito ang sinabi ng may- akda ng mga Hebreo: “Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan...Nawa’y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya” (HEBREO 13:20–21). Bilang mga nagtitiwala kay Cristo, ginawa na tayong banal sa pamamagitan ng Kanyang dugo noong sumampalataya tayo sa Kanya (TAL. 12). Pero patuloy tayong tinutulungan ni Jesus upang isapamuhay at magbunga ang katuwirang ito sa ating mga puso. Madalas tayong matitisod sa ating paglalakbay, ngunit patuloy pa rin tayong umaasa sa “bayan na paparating pa lang” kung saan maghahari ang katuwiran ng Dios (TAL. 14).