Tungkol sa magkakaibigang palainom ang unang mahabang nobela ng manunulat na si Ernest Hemingway. Sa kuwento, bumabangon pa lamang sila mula sa matindi nilang karanasan sa Unang Digmaang Pandaigdig. Kaya, dala nila ang mga literal at emosyonal na peklat mula sa digmaan. Sinusubukan nilang takasan ang sakit sa pamamagitan ng pagdiriwang, pakikipagsapalaran, at walang patid na pakikiapid. Sa lahat ng ito, lagi silang may alak bilang pampamanhid ng sakit. Ngunit wala silang tunay na kaligayahan.

Hinango ang pamagat ng aklat ni Hemingway na The Sun Also Rises (Sisikat Din ang Araw) mula sa aklat ng Mangangaral (1:5) sa Biblia. Dito, ipinakilala ni Haring Solomon ang kanyang sarili bilang “Mangangaral” (TAL. 1). Sinabi niya, “Walang kabuluhan ang lahat!” (TAL. 2). Tanong din niya, “Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito?” (TAL. 3). Nakita niya kung paanong sumisikat at lumulubog ang araw, umiihip pabalik-balik ang hangin, at patuloy na umaagos ang mga ilog patungo sa isang dagat na kailanman ay hindi napupuno (TAL. 5-7). Sa huli, nalilimutan lang ang lahat (TAL. 11).

Parehong ipinapakita nina Hemingway at Solomon ang kawalang- kabuluhan ng isang buhay na nakatuon lamang sa mundong ito. Ngunit may kaibahan sila. Nagbigay si Solomon ng mga pahiwatig ng pag-asa sa gitna ng kawalang saysay. Ipinakita niya hindi lamang kung sino tayo, kundi kung sino ang Dios. “Lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman,” wika ni Solomon (3:14), at dito matatagpuan ang ating dakilang pag-asa. Ibinigay sa atin ng Dios ang pinakamagandang kaloob: ang Kanyang Anak na si Jesus.

Sa pagsisimula ng bagong taon, alalahanin nating kung wala ang Dios, para tayong mga bangkang ligaw sa isang dagat na walang hanggan. Ngunit sa pamamagitan ng muling nabuhay na Anak ng Dios, napanumbalik tayo sa Ama, at natagpuan natin ang tunay na kahulugan, halaga, at layunin ng ating buhay.