Personal na nasaksihan ng oceanographer na si Sylvia Earle ang unti-unting pagkasira ng mga coral reef o bahura. Dahil dito, itinatag niya ang Mission Blue, isang organisasyong nakatuon sa pagbuo ng mga hope spots—mga natatanging lugar sa iba’t ibang bahagi ng mundo na mahalaga sa kalusugan ng karagatan at may direktang epekto sa ating buhay sa lupa. Dahil sa masusing pangangalaga sa mga lugar na ito, nasaksihan ng mga siyentipiko ang muling pagsasaayos ng ugnayan ng mga hayop sa ilalim ng dagat, at ang pagsasalba ng mga endangered species o mga hayop na nanganganib nang maubos.
Sa Salmo 33 naman, kinikilala ng salmista na nilikha ng Dios ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang salita, at tiniyak Niyang mananatiling matatag ang Kanyang mga nilikha (TAL. 6-9). Sa Kanyang paghahari sa lahat ng henerasyon at bansa (TAL. 11-19), Siya lamang ang makapagpapanumbalik ng mga relasyon, makapagliligtas ng buhay, at makapagbibigay ng pag- asa. Gayunpaman, iniimbitahan tayo ng Dios na makibahagi sa Kanyang pangangalaga sa mundo at sa mga taong Kanyang nilikha.
Sa tuwing pinupuri natin ang Dios dahil sa isang bahagharing lumilitaw sa madilim na ulap, o sa kumikislap na alon ng karagatan na humahampas sa mga batuhan, naipapahayag natin ang Kanyang “matapat na pag-ibig” at pagkilos sa ating buhay habang inilalagay natin ang ating pag-asa sa Kanya (TAL. 22).
Kapag natutukso tayong panghinaan ng loob o matakot dahil sa kalagayan ng mundo, maaari nating maisip na wala tayong magagawa. Ngunit kapag ginawa natin ang ating bahagi bilang mga katiwala ng Dios, mapararangalan natin Siya bilang Manlilikha at matutulungan ang iba na makakita ng pag-asa habang inilalagak nila ang kanilang tiwala kay Jesus.
