Matapos ang ilang araw ng pagkakasakit at biglang taas ng lagnat, kinailangan nang dalhin ang asawa ko sa ospital. Nagtagal kami roon ng higit sa isang araw. Bumuti naman siya unti-unti, ngunit hindi pa rin sapat upang pauwiin. Dahil dito, naharap ako sa isang mahirap na desisyon: manatili sa tabi ng aking asawa o tumuloy sa isang mahalagang biyahe para sa trabaho, kung saan maraming tao at proyekto ang maaapektuhan. Tiniyak ng asawa kong magiging maayos siya. Ngunit hati ang puso ko sa pagitan ng pamilya at tungkulin.
Sa Biblia, laging kailangan ng bayan ng Dios ang Kanyang paggabay sa mga mahahalagang desisyon sa buhay. Ngunit madalas, hindi nila sinusunod ang Kanyang mga utos. Kaya hinikayat sila ni Moises na “piliin sana ninyo ang buhay” sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan (DEUTERONOMIO 30:19). Makalipas ang panahon, nagbigay din ng paalala si Propeta Jeremias sa mga naliligaw ng landas. Hinikayat niya silang sumunod sa Dios: “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan” (JEREMIAS 6:16). Magsisilbing gabay para sa atin ang Salita ng Dios at ang mga nakalipas na pagtustos at pagtulong Niya sa atin.
Sa aking pagdedesisyon, inisip kong nakatayo ako sa isang sangandaan. Sinubukan kong gamitin ang karunungan ni Jeremias. Kailangan ako ng aking asawa. Kailangan din ako sa aking trabaho. Bigla, tumawag ang aking supervisor at hinikayat akong manatili sa bahay. Huminga ako nang malalim at pinasalamatan ang Dios sa Kanyang gabay. Hindi man laging malinaw ang direksyon ng Dios, ngunit tiyak na darating ito. Sa panahong nasa sangandaan tayo, manalangin tayo sa Dios para sa Kanyang paggabay.
