Ngayon ang Araw ng Tatlong Hari, kung saan ginugunita ang pangyayaring inilarawan sa awiting “We Three Kings of Orient Are.” Tungkol ito sa pagbisita ng matatalinong pantas sa sanggol na si Jesus. Ngunit sa katotohanan, hindi sila mga hari, hindi sila mula sa Malayong Silangan (na dating kahulugan ng salitang Orient), at hindi rin tiyak kung tatlo nga sila.
Gayunpaman, may tatlong handog silang dala, at bawat isa ay may mahalagang kahulugan. Nang dumating ang mga pantas sa Betlehem, “Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira” (MATEO 2:11). Sumisimbolo ang mga handog na ito sa layunin ni Jesus sa mundo. Nagpapahiwatig ang ginto ng Kanyang pagiging Hari. Nagpapahayag naman ang insenso, na ginagamit sa pagsamba sa templo, ng Kanyang pagiging Dios. Samantala, ginagamit ang mira sa paglilibing, na nagpapahiwatig ng Kanyang kamatayan.
Ito ang ikaapat na saknong ng awitin: “Ang mira’y akin, pabangong kay pait / Hatid ay buhay ng lungkot at hinagpis; / Dugo’y aagos, buhay ay lilipas, / sa libingang malamig mahihimlay.” Kung tayo marahil ang magsusulat ng kuwento ng Pasko, hindi natin ito isasama. Ngunit isinulat ito ng Dios. Sapagkat napakahalaga sa ating kaligtasan ang pagkamatay ni Jesus. Maging si Haring Herodes ay nagtangkang patayin si Jesus noong bata pa lamang Siya (TAL. 13).
Sa huling bahagi ng awitin, pinag-isa ang tatlong temang ito: “Mula sa kamatayan Siya’y bumangon, / Hari at Dios na inialay ang buhay.” Ito ang kabuuan ng kuwento ng Pasko. Hindi lamang ang pagsilang ni Jesus, kundi pati ang Kanyang sakripisyo at tagumpay sa kamatayan. Dahil dito, tumutugon tayo ng papuri: “Aleluya, Aleluya! Sa langit at lupa’y sumisigaw!”
