Nakakamangha ang mga larawang natanggap ko mula sa isang kaibigan! Ipinakita niya ang kanyang sorpresa para sa kanyang asawa: isang pinaganda at isinaayos na sasakyang 1965 Ford Mustang. Ngayon, matingkad na asul na ito, may makinang na bakal sa gulong, bago na ang mga upuan, at mas angat na rin ang makina. Ngunit mas kapansin-pansin ang mga dating larawan: isang kupas, luma, at hindi kaakit-akit na dilaw na sasakyan. Mahirap mang isipin, pero tiyak na noong una itong lumabas, pangunahin ito noon sa daan. Subalit dahil sa paglipas ng panahon, pagkaluma, at pagkasira, nangailangan na ito ng pagsasaayos upang mapanumbalik ang dating kalagayan.
Ganyan din ang kalagayan ng bayan ng Dios sa Salmo 80. Kaya nga ganito ang paulit-ulit nilang dalangin: “O Dios na Makapangyarihan, ibalik N’yo kami sa mabuting kalagayan. Ipakita N’yo sa amin ang Inyong kabutihan upang kami ay maligtas” (TAL. 3; TINGNAN DIN ANG TAL. 7, 19). Noon, iniligtas sila ng Dios mula sa pagkaalipin sa Egipto at dinala sa isang masaganang lupain (TAL. 8-11). Ngunit lumipas ang kasaganahan. Dahil sa kanilang pagtalikod sa Dios, naranasan nila ang Kanyang paghatol (TAL. 12-13). Kaya ito ang kanilang pagsusumamo: “O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin. Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan” (TAL. 14).
Nararanasan mo rin ba ang pagiging matamlay, malayo, o hiwalay sa Dios? Nawawala ba ang kagalakan at kasiyahan sa iyong puso? Maaari bang dahil hindi nakalinya ang buhay mo kay Jesus at sa Kanyang layunin? Naririnig ng Dios ang ating panalangin ng panunumbalik (TAL. 1). Ano pa ang pumipigil sa iyo upang lumapit sa Kanya at humingi ng bagong sigla?
