Habang nagmamaneho isang gabi, napansin ni Nicholas ang isang nasusunog na bahay. Agad siyang huminto, tumakbo papasok sa naglalagablab na bahay, at iniligtas ang apat na batang nasa loob. Nang mapansin ng tagapagbantay na may isa pang batang naiwan, sinabi niya ito kay Nicholas. Walang pag- aalinlangan, bumalik siya sa nag-aapoy na bahay. Naipit siya at ang anim na taong gulang na bata sa ikalawang palapag. Binali niya ang bintana at tumalon, yakap-yakap ang bata. Kasabay noon, dumating ang mga bumbero. Sa halip na unahin ang sarili, pinili niyang unahin ang kapakanan ng iba, at nailigtas niya ang lahat ng mga bata.

Ipinakita ni Nicholas ang kabayanihan sa kanyang kagustuhang isakripisyo ang sariling kaligtasan para sa iba. Sumasalamin ang dakilang akto ng pag-ibig na ito ng isang mas dakilang sakripisyo. Ginawa ito ng isang Tagapagligtas na kusang-loob na ibinigay ang Kanyang buhay upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Walang iba kundi si Jesus. “Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios” (ROMA 5:6). Binigyang- diin ni Apostol Pablo na pinili ni Jesus—ganap na Dios at ganap na tao—na ialay ang Kanyang buhay upang bayaran ang kasalanang kailanman ay hindi natin kayang tubusin sa sarili nating kakayahan. “Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayo’y makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin” (TAL. 8).

Habang nagpapasalamat at nagtitiwala tayo sa ating Tagapagligtas na buong-kusang nagbigay ng Kanyang buhay para sa atin, binibigyan Niya tayo ng kakayahang magmahal nang may sakripisyo, sa ating mga salita at gawa.