“Paano nga ba kita iibigin? Ilalahad ko sa iyo ang mga paraan.” Isinulat ni Elizabeth Barrett ang tulang iyan para kay Robert Browning bago pa sila ikasal. Labis na naantig
si Browning, kaya hinimok niya si Barrett na ipalathala ang buong koleksyon ng kanyang mga tula. Ngunit dahil napakalambing ng mga tula, at nais niyang manatiling pribado ang damdaming inilahad, pinalabas ni Barrett na salin ang mga ito mula sa isang manunulat na Portuguese.
Totoo, minsan nahihiya tayong ipahayag nang lantaran ang ating pagmamahal sa iba. Ngunit kakaiba ang Biblia. Hindi nito itinatago ang pagsasalarawan ng pag-ibig ng Dios. Ikinuwento ni Jeremias ang pagmamahal ng Dios sa Kanyang bayan gamit ang napakalambing na mga salita: “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin” (JEREMIAS 31:3). Kahit na tumalikod sa Kanya ang Kanyang bayan, nangako ang Dios na ibabalik sila at Siya mismo ang lalapit sa kanila: “Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel” (TAL. 2).
Si Jesus ang kaganapan ng mapanumbalik na pag-ibig ng Dios. Siya ang nagbibigay ng kapayapaan at kapahingahan sa sinumang lalapit sa Kanya. Mula sa sabsaban, sa krus, hanggang sa walang lamang libingan, si Jesus ang representasyon ng masidhing hangarin ng Dios na muling tawagin ang naliligaw na mundo. Kapag binasa mo ang buong Biblia, muli’t muli mong makikita ang iba’t ibang anyo ng pag-ibig ng Dios. At dahil walang hanggan ito, hindi mo kailanman mararating ang dulo nito.
