Minsan, nagkuwento si Abraham Lincoln sa isang kaibigan, “Maraming beses na akong napaluhod dahil sa matinding paniniwala na wala na akong ibang mapupuntahan kundi ang Dios.” Sa gitna ng matitinding taon ng Digmaang Sibil sa Amerika, hindi lamang siya nanalangin nang masigasig, kundi hinikayat din niya ang buong bansa na manalangin kasama niya. Noong 1861, idineklara niya ang “Araw ng pagpapakumbaba, pananalangin, at pag-aayuno.” Muling inulit ito ni Lincoln noong 1863, na may ganitong pahayag: “Tungkulin ng mga bansa, gayundin ng bawat tao, na kilalanin ang kanilang lubos na pagdepende sa makapangyarihan sa lahat—ang Dios. Aminin ang kanilang mga kasalanan at pagsuway nang may mapagpakumbabang puso, subalit may tiyak na pag-asa na magbubunga ng awa at kapatawaran ang tunay na pagsisisi.”

Pagkalipas naman ng 70 taon ng pagkabihag sa Babilonia, naglabas ng kautusan si Haring Cyrus na maaaring bumalik sa Jerusalem ang sinumang Israelita na magnanais nito. Ngunit “labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda” (NEHEMIAS 1:3). Nabalitaan ito ni Nehemias, isang Israelita (TAL. 6) at tagapagdala ng kopa ng hari ng Babilonia (TAL. 11). Kaya naman “umupo [siya] at umiyak,” at ilang araw na nagluksa, nag-ayuno, at nanalangin (TAL. 4). Buong puso siyang nanalangin para sa kanyang bansa (TAL. 5–11). Kalaunan, hinikayat din niya ang kanyang mga kababayan na mag-ayuno at manalangin (9:1–37).

Pagkaraan naman ng maraming taon, sa panahon ng Imperyong Romano, ganito rin ang paalala ni Apostol Pablo: manalangin para sa mga may kapangyarihan (1 TIMOTEO 2:1–2). Hanggang ngayon, nakikinig pa rin ang ating Dios sa mga panalanging may kinalaman sa kapakanan ng iba.