Minsan, nagkuwento ang pastor na si Thomas Chalmers tungkol sa isang karanasan niya habang nakasakay sa karwaheng hila ng kabayo. Dumaan sila sa gilid ng bundok. Makitid ito at may matarik na bangin sa tabi. Biglang nataranta ang isa sa mga kabayo, at sa takot ng kutsero na mahulog sila, paulit-ulit niyang nilatigo ang kabayo. Nang makalampas na sila sa panganib, tinanong siya ni Chalmers kung bakit niya ginawa iyon. Sagot ng kutsero, “Kailangan kong ibaling ang isip ng mga kabayo. Kailangan kong kunin ang kanilang atensyon.”

Punô ng banta at panganib ang mundo natin ngayon. Kaya kailangan natin ang mga bagay na kukuha ng ating pansin. Pero higit sa simpleng pagbaling ng atensyon ang kailangan natin. Hindi lang ito tungkol sa pag-iwas sa problema o pagtakas sa takot. Ang tunay na kailangan natin ay ituon ang ating isipan sa isang katotohanang mas makapangyarihan kaysa sa lahat ng ating kinatatakutan. Gaya ng sinabi ni Propeta Isaias sa mga Israelita: kailangan nating ituon ang ating isipan sa Dios. “Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa Iyo’y nagtitiwala” (ISAIAS 26:3 ᴍʙʙ). Maaari tayong magtiwala sa Panginoon magpakailanman, “dahil Siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman” (TAL. 4).

Kapayapaan ang regalong matatanggap ng mga taong nakatuon ang paningin sa Dios. At hindi lang ito isang paraan upang itaboy ang mabibigat nating iniisip. Dahil para sa mga handang isuko ang kanilang kinabukasan, pag-asa, at alalahanin sa Dios, bibigyan sila ng Banal na Espiritu ng isang bagong buhay na ganap at may layunin.