Ayon sa pahayagang Daily Mirror, mahigit 773,618 na desisyon ang ginagawa ng isang tao sa buong buhay niya. Ayon pa sa kanila, “143,262 sa mga ito ang pinagsisisihan natin.” Hindi ko alam kung paano nila nabilang ang mga iyon. Pero sigurado akong napakarami nating kailangang pagdesisyonan. Kung iisipin natin ito, maaari tayong manghina o matakot, lalo na dahil may kaakibat na bunga ang bawat desisyon.

Naharap din sa malaking desisyon ang mga Israelita. Pagkatapos ng apatnapung taon na paglalakbay sa ilang, narating nila sa wakas ang hangganan ng lupang ipinangako sa kanila. Nang makapasok na sila sa lupaing iyon, binigyan sila ng kanilang pinunong si Josue ng isang hamon: “Igalang n’yo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno n’yo” (JOSUE 24:14). Dagdag pa niya, “Pero kung ayaw n’yong maglingkod sa ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo... Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ” (TAL. 15).

Sa bawat araw na dumarating, panibagong mga posibilidad ang haharapin natin. Kasama nito ang maraming pagdedesisyon. Kapag naglaan tayo ng oras sa pananalangin at paghingi ng gabay sa Dios, maaapektuhan nito ang mga desisyong ating ginagawa. Sa tulong ng Banal na Espiritu, maaari tayong mamuhay na sumusunod sa Dios araw-araw.