Sa ika-limampung anibersaryo ng kasal nina Charley at Jan, nag-almusal sila kasama ang kanilang anak na si Jon sa isang café. Noong araw na iyon, kapos sa tauhan ang café. Tatlo lang sila: ang manager, ang kusinero, at isang dalagitang mag- isang kumukuha ng order, nagdadala ng pagkain, at naglilinis ng mesa. Nang patapos nang kumain sina Charley, tinanong niya ang asawa at anak, “May gagawin ba kayo sa mga susunod na oras?” Wala naman daw.
Kaya, matapos humingi ng pahintulot sa manager, pumunta sina Charley at Jan sa likod ng café at nagsimulang maghugas ng pinggan. Si Jon naman ang nagligpit ng mga kalat sa mga mesa. Ayon kay Jon, hindi naman nakakagulat ang ginawa ng kanyang mga magulang. Lumaki siyang nasaksihan kung paanong isinabuhay ng kanyang mga magulang ang halimbawa ni Jesus, na “naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod” (MARCOS 10:45).
Sa Juan 13 naman, mababasa natin ang huling hapunan ni Jesus kasama ang Kanyang mga alagad. Noong gabing iyon, tinuruan sila ni Jesus ng prinsipyo ng mapagpakumbabang paglilingkod nang hugasan Niya ang kanilang maruruming paa (TAL. 14–15). Kung si Jesus mismo ay hindi ikinahiya ang isang mababa at maruming gawain, dapat din tayong matutong maglingkod nang may kagalakan.
Maaaring iba-iba ang anyo ng paglilingkod sa bawat pagkakataon, pero may iisang layunin ito: ang maglingkod nang may pagmamahal. Hindi tayo naglilingkod upang mapansin at mapapurihan, kundi upang magbigay papuri sa ating mapagpakumbabang Dios na inialay ang Kanyang buhay sa krus.
