Isang gabi ng tag-init, biglang nag-ingay ang mga ibon malapit sa aming bahay. Habang lumalalim ang gabi, lalong tumindi ang kanilang ingay. Napagtanto namin ang dahilan. May isa palang malaking lawin ang biglang lumipad pababa mula sa tuktok ng puno. Nagkagulo ang mga ibon at humuni nang malakas upang magbigay babala.

Sa ating espirituwal na buhay naman, maraming babala ang ibinibigay ng Salita ng Dios. Kabilang dito ang mga babala laban sa maling katuruan. Minsan, napapatanong tayo: “Totoo ba ito? May dapat ba akong ikabahala?” Pero dahil sa Kanyang pag-ibig, malinaw na inilalahad ng Dios sa Biblia ang mga panganib na espirituwal.

Itinuro ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang mga maamong tupa, pero ang totoo, tulad sila ng mga gutom na lobo” (MATEO 7:15). Dagdag pa Niya, “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa... Ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, at ang masamang puno ay namumunga ng masama.” At ang Kanyang babala, “makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa kanilang mga gawa” (TAL. 16–17, 20).

Paalala naman ng Kawikaan 22:3 sa Lumang Tipan ng Biblia, “Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak.” Sa likod ng mga babalang ito, ipinapakita ng Dios ang Kanyang pagkalinga sa atin upang maprotektahan tayo at hindi mapahamak.

Tulad ng mga ibong nagbigay ng babala sa isa’t isa laban sa panganib, matuto rin nawa tayong pakinggan ang babala ng Biblia. Lumipad tayo palayo sa espirituwal na kapahamakan at pumunta sa ligtas na mga bisig ng Dios.