Sa aklat na Adopted for Life, ikinuwento ni Dr. Russell Moore ang karanasan ng kanilang pamilya nang bumisita sila sa isang ampunan upang mag-ampon ng bata. Pagpasok nila sa silid, agad nilang napansin ang katahimikan. Walang umiiyak na sanggol sa mga kuna. Hindi dahil wala silang pangangailangan, kundi dahil natutunan na nilang walang darating para tumugon at magmalasakit sa kanila.

Habang binabasa ko ito, nadurog ang puso ko. Naalala ko noong maliliit pa ang aming mga anak. Kapag mahimbing na kaming natutulog ng asawa ko, bigla kaming magigising sa kanilang mga sigaw: “Tay, may sakit po ako!” o “Nay, natatakot po ako!” Isa sa amin ang agad babangon para yakapin at alagaan sila. Ang pagmamahal namin sa kanila ang dahilan kung bakit sila tumatawag sa amin. May tiwala silang may sasagot sa kanila.

Sa Biblia naman, marami sa mga panalangin sa Aklat ng Salmo ang panaghoy o pagtangis sa Dios. Inilapit ng mga Israelita sa Dios ang kanilang mga pagtangis dahil may personal silang ugnayan sa Kanya. Tinawag sila ng Dios bilang Kanyang “panganay” (EXODUS 4:22), kaya naniniwala silang kikilos Siya bilang kanilang Ama. Makikita sa Salmo 25 ang ganitong uri ng pagtitiwala: “Dinggin n’yo po ako at inyong kahabagan,... Hanguin n’yo ako sa aking mga kalungkutan” (TAL. 16–17). Kapag may tiwala ang mga anak sa pagmamahal ng kanilang magulang, malaya silang nakakatawag sa oras ng pangangailangan. Kaya naman, bilang mga nagtitiwala kay Jesus at mga anak ng Dios, may dahilan tayo upang tumawag sa Kanya. Nakikinig at nagmamalasakit Siya dahil sa Kanyang wagas na pag-ibig.