“Sa lahat ng bagay, naghahanap tayo ng mga komportableng paraan ng paglilingkod sa Dios.” Isinulat iyan ni Teresa of Avila, isang mananampalataya noong ika-16 na siglo. Tapat

niyang inilahad na kadalasan, nais nating manatiling may kontrol sa ating buhay. Aniya, mas pinipili natin ang maginhawang landas, kaysa sa lubusang pagsuko sa Dios. Unti-unti at kung minsan, may alinlangan tayo bago matutong magtiwala sa Kanya nang buo. Kaya’t ikinumpisal ni Teresa, “Habang unti-unti naming iniaalay sa Iyo ang aming buhay, kailangan din naming matutong makuntento sa pagtanggap ng Iyong patak-patak na biyaya—hanggang sa tuluyan naming maisuko ang aming buong sarili sa Iyo.”

Bilang mga tao, hindi natural sa marami sa atin ang magtiwala. Kaya kung nakadepende ang pagtanggap natin sa biyaya at pag-ibig ng Dios sa kung gaano tayo kahusay magtiwala, tiyak na malaki ang magiging problema natin.

Ngunit ayon sa 1 Juan 4, ang Dios ang “unang umibig sa atin” (TAL. 19). Minahal Niya tayo kahit hindi pa natin Siya minamahal, sukdulang ihandog Niya ang Kanyang Anak para sa atin. Kaya naman buong pagkamangha at pasasalamat na isinulat ni Juan na “ito ang tunay na pag-ibig” (TAL. 10).

Dahan-dahan at unti-unti, hinuhubog ng Dios ang ating puso para tanggapin ang Kanyang pag-ibig. Dahan-dahan, sa Kanyang biyaya, lumalaya tayo mula sa takot (TAL. 18). At unti-unti, pinupuno ng Kanyang biyaya ang ating puso hanggang sa maranasan natin ang masaganang ulan ng Kanyang kagandahan at pag-ibig.