Matagal na naming kilala si Kha. Kasama kasi siya sa aming small group sa simbahan, kung saan linggo linggo kaming nagkikita upang talakayin ang mga natutunan namin tungkol sa Dios. Isang gabi, nabanggit niya nang pahapyaw na minsan na siyang lumaban sa Olympics. Sa sobrang kaswal ng pagkakabanggit, muntik ko na itong hindi mapansin. Pero nang malinawan ako, napagtanto kong kaibigan pala namin ang isang Olympian. At hindi lang basta kalahok, kundi nakalaban pa sa bronze medal match. Hindi ko lubos maisip kung bakit hindi niya ito naikuwento noon pa. Pero para kay Kha, kahit mahalagang bahagi iyon ng kanyang kuwento, may higit na mahalaga kaysa doon: ang kanyang pamilya, komunidad, at pananampalataya.
Sa Lucas 10:1–23 naman, may kuwentong nagpapakita kung ano talaga ang dapat maging sentro ng ating buhay. Nang bumalik ang pitumpu’t dalawang isinugo ni Jesus upang ipahayag ang kaharian ng Dios, tuwang-tuwa silang nagbalita: “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan n’yo!” (TAL. 17). Totoong pinagkalooban sila ni Jesus ng Kanyang kapangyarihan. Ngunit itinama Niya ang dahilan ng kanilang kagalakan. Ayon kay Jesus, ito dapat ang tunay na dahilan ng kanilang pagdiriwang: “huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo” (TAL. 20).
Anuman ang mga kakayahan o tagumpay na ipinagkaloob sa atin ng Dios, ito ang pinakadakila nating dahilan upang magalak: kung ipinagkatiwala natin ang ating buhay kay Jesus, nakasulat sa langit ang ating mga pangalan, at kasama natin Siya araw-araw sa ating buhay.
