May kuwintas at pares ng hikaw na galing sa bansang Ethiopia ang asawa kong si Miska. Kitang-kita ang simpleng kagandahan nito, na nagpapakita ng tunay na sining. Pero higit sa ganda, mas nakakahanga ang kuwento sa likod ng pagkakalikha nito. Matindi ang digmaan at patuloy ang kaguluhan sa Ethiopia, kaya puno ng mga basyo ng bala ang kanilang mga lupain. Sa gitna nito, may mga taga Ethiopia na pinipili ang pag-asa. Lumilikha sila ng mga alahas mula sa mga sandata ng dahas.
Nang marinig ko ang kuwentong ito, naalala ko ang malakas at matapang na pahayag ni Propeta Micas sa Biblia. Ayon sa kanya, darating ang araw na “gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat” (MICAS 4:3). Sa makapangyarihang pagkilos ng Dios, magiging kasangkapan ng buhay at pag-aani ang mga kasangkapan ng karahasan. Sa pagdating ng araw ng Dios, “hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan” (TAL. 3).
Noon pa man, mahirap na itong isipin. Gayundin sa panahon natin ngayon. Tulad sa bansang Israel noon, nasasaksihan din natin ngayon ang karahasan at kaguluhan, at parang imposible nang magbago ang mundo. Pero may pangakong hatid ang Dios. Dahil sa Kanyang habag, darating din ang araw ng kapayapaan. Habang hinihintay natin ang araw na iyon, hinihikayat Niya tayong mamuhay ayon sa katotohanang iyon. Tinutulungan tayo ng Dios na makibahagi sa Kanyang gawain: ang gawing maganda ang mga bagay na tila wala nang saysay.
