Maraming taon na ang nakalilipas, nag-audition si Julie Landsman para maging pangunahing manunugtog ng instrumentong French horn sa New York Metropolitan Opera Orchestra. Isinagawa ng MET ang audition sa likod ng kurtina upang maiwasan ang pagkiling ng mga hurado. Magaling ang naging pagtugtog ni Landsman, at siya ang nanalo. Ngunit nang lumabas siya mula sa likod ng kurtina, lumakad papunta sa likod ng silid at tumalikod sa kanya ang ilan sa mga lalaking hurado. Mukhang hindi siya ang inaasahan nilang mapipili.
Sa Biblia naman, pinagbigyan ng Dios ang kahilingan ng mga Israelita na bigyan sila ng hari. Hinayaan sila ng Dios na piliin si Saul bilang hari. Isang lalaking kahanga-hanga sa panlabas, at katulad ng hari ng ibang mga bansa (1 SAMUEL 8:5; 9:2). Pero dahil sa kawalan ng pananampalataya at pagsuway ni Haring Saul, isinugo ng Dios si Propeta Samuel sa Betlehem upang buhusan ng langis ang magiging bagong hari (16:1–13). Nang makita ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak, inakala niyang ito na ang pinili ng Dios dahil kahanga-hanga ang kanyang anyo. Ngunit itinuwid ng Dios ang kanyang pananaw: “Ang tao’y tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan Ko’y ang puso” (TAL. 7). Pinili ng Dios si David, isang batang pastol na may pusong ayon sa Kanyang kalooban (TAL. 12).
Kapag sinusukat ng Dios ang kakayahan at pagiging karapat- dapat ng isang tao para sa Kanyang layunin, hindi panlabas ang tinitingnan Niya kundi ang puso, hangarin, at katapatan. Inaanyayahan Niya tayong matutong tumingin tulad Niya: sa puso, hindi sa panlabas na anyo o antas sa buhay.
