Habang nasa kusina, biglang sumigaw ang anak kong babae, “Nay, may langaw na dumapo sa pulot!” Sumagot ako gamit ang isang kasabihan, “Mas maraming langaw ang naaakit sa pulot kaysa sa suka.” Bagama’t ito ang unang beses na literal na may langaw sa pulot, naalala ko ang kasabihang ito dahil sa taglay nitong karunungan. Ipinaparating nito na mas epektibo ang mabait at mahinahong pakiusap kaysa sa magaspang na ugali.
Mababasa natin sa aklat ng Mga Kawikaan ang koleksyon ng mga kasabihang puspos ng karunungan mula sa Espiritu ng Dios. Nagtuturo ang mga ito kung paano mamuhay nang may karangalan at may paggalang sa Dios. Tungkol ang marami sa mga kasabihang ito sa ugnayan natin sa kapwa, at sa malaking epekto ng mga salitang ating binibitawan.
Sa isang bahagi ng Kawikaan na isinulat ni Haring Solomon, nagbigay siya ng babala tungkol sa pinsalang dulot ng maling paratang laban sa kapwa (KAWIKAAN 25:18). Sinabi rin niyang “nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa” (TAL. 23). Nagbabala rin si Solomon sa epekto ng palaging pagrereklamo at paggamit ng mga negatibong salita (TAL. 24). Pero, sinabi rin naman niyang mayroong pagpapala kapag may hatid na “magandang balita” ang ating mga salita (TAL. 25).
Habang sinisikap nating isabuhay ang mga katotohanang ito, kasama natin ang Banal na Espiritu upang matulungan tayo sa tamang pananalita (16:1). Sa tulong Niya, maaaring maging matamis at nakapagpapalakas ng loob sa iba ang ating mga salita.
