Habang binibigyan ko ng grado ang panulat ng mga estudyante ko, isang sanaysay ang talaga namang namukod tangi. Napakahusay ng pagkakasulat! Pero hindi nagtagal, napansin kong masyado itong mahusay. Tama nga ang hinala ko. Nang magsaliksik ako, nalaman kong kinopya ito mula sa isang sanaysay sa Internet.

Nagpadala ako ng email sa estudyante upang ipaalam na nabisto ko ang kanyang pandaraya. Zero ang grado niya sa papel na iyon. Pero pinayagan ko siyang magsulat muli para magkapuntos kahit bahagya. Ang kanyang tugon: “Nahihiya po ako at labis ang aking pagsisisi. Salamat po sa kagandahang-loob na ipinakita ninyo sa akin. Hindi po ako karapat-dapat dito.” Sinabi ko naman sa kanyang araw-araw tayong nakakaranas ng kagandahang-loob ng Dios. Kaya paano ako tatangging ipakita rin sa iba ang kagandahang- loob ng Dios?

Maraming paraan kung paano pinagyayaman ng biyaya ng Dios ang ating buhay at tinutulungan tayo sa ating mga pagkukulang. Sinabi ni Apostol Pedro, nagdudulot ito ng kaligtasan: “Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo” (GAWA 15:11). Ayon naman kay Pablo, tinutulungan tayo ng Kanyang biyaya upang hindi na tayo alipinin ng kasalanan: “hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim na ng biyaya ng Dios” (ROMA 6:14). Sinabi rin ni Pedro na ang biyaya ng Dios ang nagbibigay sa atin ng kakayahan upang maglingkod: “Bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Dios” (1 PEDRO 4:10 ᴀʙᴀʙ).

Malayang ibinibigay sa atin ng Dios ang Kanyang kagandahang- loob (EFESO 4:7). Nawa’y gamitin natin ang kaloob na ito upang magmahal at magpalakas ng loob ng ating kapwa.