Nananalangin tuwing umaga ang isang batang pastor. Hinihiling niya sa Dios na gamitin siya bawat araw upang maging pagpapala sa iba. Madalas, may dumarating ngang ganoong pagkakataon. Isang araw, habang nagpapahinga siya sa kanyang pangalawang trabaho, umupo siya kasama ang isang katrabaho, na nagtanong sa kanya tungkol kay Jesus. Buong ingat na sinagot ng pastor ang mga tanong ng lalaki. Walang sermon. Walang pagtatalo. Ikinuwento ng pastor na dahil sa paggabay ng Banal na Espiritu, naging magaan at puno ng pag-ibig ang pag-uusap nila. Nagkaroon din siya ng bagong kaibigang uhaw sa kaalaman tungkol sa Dios.
Ano ang pinakamabisang paraan upang ipakilala si Jesus sa iba? Kapag hinayaan natin ang Banal na Espiritu na kumilos sa ating buhay. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin” (GAWA 1:8).
“Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili” (GALACIA 5:22–23). Namumuhay sa ilalim ng gabay ng Espiritu ang batang pastor, dahil tumugon siya sa paalala ni Pedro: “Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo” (1 PEDRO 3:15).
Kahit na dumanas tayo ng pagdurusa dahil sa pagtitiwala natin kay Cristo, sa pamamagitan ng ating mga salita, maaari nating ipakita sa mundo na ang Espiritu ng Dios ang gumagabay sa atin. At sa ating paglakad kasama Niya, mahihikayat natin ang iba upang lumapit sa Kanya.
