Noong minsang bumagyo ng snow dito sa amin sa Amerika, sa bahay namin nagpalipas ng bagyo ang nanay kong byuda. Pagkatapos ng bagyo, sa amin na siya talaga tumira. Nagdulot ang presensya niya ng magagandang pagbabago sa tahanan namin. Palagi namin siyang nahihingan ng payo, at nagkukwento naman siya ng mga istorya tungkol sa aming mga ninuno. Naging malapit din sila ng aking asawa dahil marami silang pagkakapareho. Hindi na siya basta bisita lamang, kundi isang mahalagang bahagi ng aming tahanan. Habang buhay niyang binago ang aming puso kahit noong kunin na rin siya ng Panginoon.

Pinaalala sa akin nito ang sinabi ni Juan tungkol sa Panginoong Jesus na “namuhay na kasama natin” (JUAN 1:14). Nakakaantig ito dahil ang orihinal na kahulugan nito sa salitang Griego ay “magtayo ng tolda.” Sa ibang salin naman, “nanirahan sa piling namin” (mbb) ang ginamit.

Sa pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap natin ang Panginoong Jesus na Siyang nananahan sa atin. Ayon kay Pablo, “Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal n’yong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu para manahan si Cristo sa mga puso n’yo dahil sa inyong pananampalataya” (EFESO 3:16-17).

Hindi lamang basta isang bisita si Jesus. Permanente Siyang nakatira sa puso ng mga nagtitiwala sa Kanya. Buksan nawa natin ang ating puso at malugod Siyang tanggapin.