Sa sanaysay na Service and the Spectrum, isinulat ng propesor na si Daniel Bowman Jr. ang hamon ng paglilingkod sa simbahan bilang isang taong may autism (isang kondisyong nakakaapekto sa isip at pag-uugali). Paliwanag niya, para sa kanilang may autism, laging bago ang bawat pagkakataon. At nangangailangan ang bawat isang pagkakataon ng espesyal na konsiderasyon sa aspetong mental, emosyonal, at pisikal. Kailangan nila ng sapat na panahon para sa sarili at sapat na antas ng kaginhawahan. Malaking bahagi rin ang oras ng araw, at kung kinikilala ang kanilang lakas at pangangailangan, sa halip na ituring silang mahina. Para sa karamihan, maaaring maliit na bagay ang mga ito, ngunit para sa mga taong may autism at iba pang espesyal na pangangailangan, malaki ang epekto ng mga ito.
Naniniwala si Bowman na maaaring maging daan sa paghilom ang pananaw ng pagkakaisa na inilalarawan ni Pablo sa 1 Corinto 12. Sa mga talata 4-6, ipinaliwanag ni Pablo na nagbibigay ang Dios ng natatanging kaloob sa bawat isa “upang makatulong siya sa kapwa niya” (TAL. 7). “Kailangang-kailangan” ang bawat isang bahagi ng katawan ni Cristo (TAL. 22). Kapag naunawaan ng iglesia ang kakaibang disenyo at kaloob ng bawat isa, sa halip na pilitin ang lahat na maglingkod sa parehong paraan, maaari nilang suportahan ang kanilang mga miyembro upang maglingkod ayon sa kanilang mga kaloob.
Sa ganitong paraan, maaaring maranasan ng bawat isa ang paglago, pagiging buo, at pagiging panatag dahil mahalagang bahagi sila sa katawan ni Cristo (TAL. 26).
