Malapit nang magdiwang ng kanyang ikawalumpu’t-limang kaarawan ang kaibigan kong si Raleigh. Naging inspirasyon siya sa akin mula pa noong una naming pag-uusap, tatlumpu’t limang taon na ang nakalipas. Kamakailan, nabanggit niya na simula nang magretiro, nakapagsulat na siya ng isang aklat at nagsimula ng panibagong gawain.
Hindi ako nagulat. Gayundin kasi si Caleb sa Biblia. Sa edad na walumpu’t lima, hindi rin siya handang huminto. Ang kanyang pananampalataya at dedikasyon sa Dios ang nagpanatili sa kanya sa maraming dekada ng pakikidigma at paglalakbay sa ilang. Hanggang sa natamo nila ang ipinangako ng Dios sa Israel. Sinabi niya, “pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati” (JOSUE 14:11). Paano? Sinambit nya, “sa tulong ng Panginoon, maitataboy ko sila” (TAL. 12).
Anuman ang ating edad, kalagayan sa buhay, o sitwasyon, tutulungan tayo ng Dios kung buong puso tayong magtitiwala sa Kanya. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesus, nakikita natin ang Dios. At mula sa mga nakasulat sa Ebanghelyo tungkol kay Jesus, tumatatag ang ating pananampalataya sa Dios. Ipinakita ni Jesus ang kalinga at habag ng Dios sa lahat ng humihingi ng tulong sa Kanya. Gaya ng sinabi ng sumulat ng Hebreo, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot” (HEBREO 13:6). Bata man o matanda, mahina o malakas, bilanggo man o malaya—ano ang pumipigil sa atin na humingi ng tulong sa Kanya?
