Para sagipin ang tatlong lalaking na-stranded sa isang isla sa Micronesia, kailangang magtulungan ng rescuers. Mayroon kasing krisis pangkalusugan, at limitado ang kanilang galaw. Inabisuhan ng piloto ang kalapit na barko ng Australian Navy. Nagpadala sila ng dalawang helicopter upang maghatid ng pagkain, tubig, at pangangalagang medikal. Pagkatapos, dumating ang US Coast Guard upang tingnan ang sitwasyon nila at magbigay ng radyo. Sa huli, isang patrol boat mula sa Micronesia ang naghatid sa kanila sa kanilang destinasyon.

Marami tayong maaaring magawa kung sama-sama tayo. Sa Biblia, nagsama-sama ang mga mananampalataya sa Filipos upang suportahan si Apostol Pablo. Pinatuloy siya ng pamilya ni Lydia sa kanilang tahanan (GAWA 16:13-15). Naglingkod naman kasama ni Pablo si Clement, maging sina Eudia at Syntique na hindi magkasundo, sa pagpapalaganap ng Magandang Balita (FILIPOS 4:2-3). Nang makulong si Pablo sa Roma, nagsama-sama ang iglesya upang magpadala ng mga gamit sa pamamagitan ni Epafroditus (TAL. 14-18). Higit sa lahat, nanalangin ang mga taga Filipos para kay Pablo sa buong panahon ng kanyang gawain (1:19).

Magandang inspirasyon para sa atin ang halimbawa ng sama- samang paglilingkod ng mga mananampalataya noon. Kung makikiisa tayo sa ibang mananampalataya sa pananalangin at paglilingkod ayon sa gabay at kapangyarihan ng Dios, mas marami tayong magagawa kaysa sa kaya nating gawin nang mag-isa. Sabi nga, “Tila isang patak lang tayo kung mag-isa. Ngunit kapag nagsama-sama, nagiging tila isang karagatan tayo.”