Sa lugar ng Florida, natuklasan ng isang ginang ang panganib dahil sa maling paraan ng pananalangin. Kapag nananalangin siya, ipinipikit niya ang kanyang mata. Sa katunayan, isang araw, nanalangin siya nang nakapikit habang nagmamaneho! Hindi siya nakahinto sa tamang hintuan at sumadsad sa bakuran ng isang bahay. Sinubukan niyang umatras mula sa bakuran, pero nabigo siya. Bagama’t hindi siya nasaktan, pinagmulta siya ng pulis para sa reckless driving (walang ingat na pagmamaneho) at property damage (pinsala sa ari-arian). Nakaligtaan ng taong ito ang isang mahalagang parte ng Efeso 6:18: huwag magpabaya.
Bilang bahagi ng kagamitang pandigma na kaloob ng Dios sa Efeso 6, isinama ni Apostol Pablo ang dalawang armas. Una, panalangin. Dapat tayong lumaban sa mga espirituwal na digmaan sa pamamagitan ng panalangin. Ibig sabihin, manalangin nang umaasa sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, manatili sa Kanyang gabay, tumugon sa Kanyang pagkilos, at manalangin sa lahat ng panahon (TAL. 18). Ikalawa, pagbabantay. Hinimok tayo ni Pablo na “huwag magpabaya.” Makakatulong ang espirituwal na pagbabantay para sa paghahanda natin sa pagbabalik ni Jesus (MARCOS 13:33), pagtatagumpay laban sa tukso (14:38), at pananalangin para sa mga nagtitiwala kay Jesus (EFESO 6:18).
Sa ating pang araw-araw na labang espirituwal, ilagak natin ang ating buhay sa pananalangin at pagbabantay. Labanan natin ang kaaway at ang kadiliman gamit ang liwanag ni Cristo.
