Tuwing tagsibol, napupuno ng cherry blossoms (mga kulay rosas na bulaklak ng cherry tree) ang bansang Japan. Kakaibang tanawin at halimuyak ang naibibigay nito, na ikinagagalak ng mga residente at turista. Ngunit panandalian lang ang pamumulaklak nito. Kaya naman masugid na inaabangan ng mga taga Japan ang kagandahan at bango ng cherry blossoms bago ito tuluyang mawala. Tinuturuan din sila nito na pahalagahan ang mga bagay na panandalian lamang. Tinatawag nila itong “mono- no-aware” o ang malalim na pagpapahalagang may kasamang pagkilalang lilipas din ang lahat.
Natural na nais nating makita at pahabain pa ang mga bagay na nagbibigay sa atin ng kasiyahan. Ngunit kasama sa realidad ng buhay na may kahirapan. Kaya’t dapat nating tingnan ang parehong hirap at ginhawa nang may pananampalataya sa mapagmahal nating Dios. Hindi tayo dapat maging negatibo. Pero hindi rin tayo dapat umasa na palaging magiging maganda ang araw natin.
Sa Biblia naman, nagbibigay sa atin ang Aklat ng Mangangaral ng kapaki-pakinabang na halimbawa. Marahil, para sa iba, puro negatibo ang mga pahayag dito. Pero kung paanong isinulat ni Haring Solomon na “walang kabuluhan ang lahat” (1:2), hinihikayat din niya tayo upang maghanap ng kagalakan sa mga simpleng bagay. Sinabi niya, “mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya” (8:15).
Darating ang kagalakan kapag hinihiling natin sa Dios na tulungan tayong “makaalam ng karunungan” at matutunang pahalagahan “ang lahat ng gawa ng Dios” (TAL. 16-17 abab), sa panahon man ng kaginhawahan o kahirapan (3:11-14; 7:13-14). Dahil alam nating walang permanente sa mundo, galak man o hirap.
