Naniniwala si Adolf Hitler na mas makapangyarihan ang malalaking kasinungalingan kaysa sa maliliit. Sa kasamaang palad, napatunayan niya ito noong panahon ng kanyang pamumuno. Sa simula ng kanyang pagiging pulitiko, sinabi niyang kuntento na siyang suportahan ang mga mithiin ng iba. Nang maluklok na sa puwesto, sinabi niyang hindi nais ng kanyang partido na usigin ang sinuman. Pero di naglaon, ginamit niya ang media upang magpanggap bilang ama ng bansa at huwarang pinuno.

Gumagamit din si Satanas ng kasinungalingan para magkaroon ng kapangyarihan sa ating mga buhay. Madalas, nagdudulot siya ng takot, galit, at kawalan ng pag-asa “dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan” (JUAN 8:44).

Narito ang ilan sa mga kasinungalingan niya. Una, hindi mahalaga ang ating mga panalangin. Hindi ito totoo. Sinasabi ng Biblia, “Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid” (SANTIAGO 5:16). Pangalawa, walang solusyon sa ating mga problema. Mali na naman. “Ang lahat ay posible sa Dios” (MARCOS 10:27), at “ gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito” (1 CORINTO 10:13). Pangatlo, hindi tayo mahal ng Dios. Isa pang kasinungalingan. “Walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (ROMA 8:38-39).

Mas makapangyarihan ang katotohanan ng Dios kaysa sa kasinungalingan. Sa tulong ni Jesus, kung susundin natin ang aral Niya, “malalaman [natin] ang katotohanan,” magagawa nating tanggihan ang kamalian, at “ang katotohanan ang magpapalaya [sa atin]” (JUAN 8:31-32).