Noong Hulyo 12, 2022, sabik na naghihintay ang mga siyentipiko sa unang mga kuha ng James Webb Space Telescope. Kaya nitong sumilip sa pinakamalalim na bahagi ng kalawakan—mas malayo pa kaysa sa dati nang narating ng sangkatauhan. Biglang lumitaw ang napakagandang larawan ng Carina Nebula (isang makulay na ulap ng hangin at buhanging nabubuo kapag may namamatay na bituin). Sa ganda nito, nabigkas ng isang NASA astronomer ang sinabi ni Carl Sagan, na isang kilalang hindi naniniwala sa Dios: “Sa isang lugar, may kamangha-manghang bagay na naghihintay.”

Minsan, nariyan na sa harap natin ang Dios, ngunit hindi pa rin natin Siya nakikita. Pero iba ang salmistang si David. Tumingin lang siya sa langit, at nakita niya kaagad ang Dios: “ang kadakilaan ng Inyong pangalan ay makikita sa buong mundo” (SALMO 8:1). Tama si Sagan sa pagsasabing “may kamangha-manghang bagay na naghihintay.” Ngunit hindi niya kinilala ang nakita ni David: “Kapag tumitingala ako sa langit na Inyong nilikha, at aking pinag- mamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan, ako’y nagtatanong, ano ba ang tao upang Inyong alalahanin?” (TAL. 3-4).

Kapag nakakakita tayo ng mga larawan ng kalawakan, humahanga tayo. Hindi dahil sa teknolohiya, kundi dahil nasasaksihan natin ang nilikha ng Dios. Namamangha tayo dahil sa lawak ng Kanyang nilikha, “ipinamahala [Niya sa atin] ang [Kanyang] mga nilalang” (TAL. 6). Tunay ngang “may kamangha-manghang bagay na naghihintay.” Naghihintay ang Dios upang tipunin ang lahat ng magtitiwala kay Jesus sa Kanyang pagbabalik. Iyan ang pinakakamangha-manghang larawan sa lahat.