Inilagay ng batang si Allie sa parke ang kahoy na sinulatan niya para mailabas ang kalungkutan. “Sa totoo lang, nalulungkot ako. Walang gustong sumama sa akin at nawala na sa akin ang kaisa-isang taong nakikinig sa akin. Araw-araw akong umiiyak.”

Nagdala ng chalk ang isa sa nakabasa niyan, at hinikayat niya ang iba na sulatan si Allie. “Mahal ka namin.” “Mahal ka ng Dios.” “Minamahal ka.” Ilan lang iyan sa dose-dosenang sulat ng pagsuporta ng mga mag-aaral ng isang malapit na paaralan. Sabi ng pinuno ng paaralan, “Isang maliit na paraan ito para maabot namin siya para makatulong na mapunuan [ang pangangailangan niya]. Katulad rin niya tayo dahil lahat naman nakaranas na o makararanas din ng kalungkutan at paghihirap.”

“Minamahal ka.” Napaalala niyan ang basbas na ibinigay ni Propeta Moises sa mga Israelitang mula sa angkan ni Benjamin bago siya pumanaw: “Mahal ka ni Yahweh at iniingatan...at sa Kanyang mga balikat ika’y mananahan” (DEUT. 33:12 ᴍʙʙ). Malakas na pinuno at lingkod ng Dios si Moises. Sa pangunguna niya, tinalo ng mga Israelita ang mga kalaban, natanggap nila ang Sampung Utos ng Dios, at hinamon niya silang sundin ang Dios. Iniwan ni Moises sa kanila ang pananaw ng Dios sa kanila.

Tumutukoy din sa atin ang “minamahal.” Sinabi ni Jesus, “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak” (JUAN 3:16). At habang tinutulungan tayo ng Dios na mapanatag sa katotohanang “minamahal” ang lahat ng nagtitiwala kay Jesus, maaari rin nating mahalin ang iba gaya ng ginawa ng mga bagong kaibigan ni Allie.