“Bakit presa ang lollipop ko, pero ubas ang sa kanya?” Tanong iyan ng anim na taong gulang kong pamangking babae. Maaga kong natutunan sa mga pamangkin

kong madalas ikumpara ng mga bata ang natatanggap nila sa natatanggap ng iba. Kaya dapat maging maingat akong tiya sa pagiging magiliw sa kanila.

Minsan kinukumpara ko rin ang ibinigay sa akin ng Dios sa ibinibigay Niya sa iba. “Bakit ito ang sa akin, pero iyon ang sa kanya?” taong ko sa Dios. Naalala ko riyan ang tanong ng disipulo ni Jesus na si Simon Pedro noong naroon sila sa Dagat ng Galilea. Tinanggap at pinatawad ni Jesus si Pedro sa ginawa niyang pagkakaila kay Jesus. Pagkatapos, sinabi ni Jesus na mapaparangalan ni Pedro ang Dios sa uri ng magiging kamatayan niya (JUAN 21:15-19). Subalit kaysa tanggapin ito, nagtanong si Pedro, “Panginoon, paano naman po [si Juan]?” (TAL. 21).

Sumagot si Jesus, “Ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin” (TAL. 22). Naniniwala akong ganyan din ang sasabihin Niya sa atin. Kapag nabigyan na Niya tayo ng direksyon para sa isang bahagi ng buhay natin, nais Niyang magtiwala tayo sa Kanya. Hindi natin dapat ikumpara ang landas natin sa iba. Kailangang sundin natin Siya.

Sinunod nga ni Pedro ang Dios. Mahigit tatlumpung taon niyang matapang na pinamunuan ang mga tagasunod ni Jesus. Ayon sa kasaysayan, matapang din niyang hinarap ang kamatayang ipinataw sa kanya ng malupit na emperador na si Nero. Nawa maging matatag at masunurin din tayo sa Dios dahil nagtitiwala tayo sa pag-ibig at gabay Niya.