Matapos ang bagyong Katrina noong 2005, sinubukang bumangon paunti-unti ng lungsod ng New Orleans sa Amerika. Isa ang Lower Ninth Ward sa mga lugar na pinakanaapektuhan ng bagyo. Kahit lumipas na ang ilang taon, wala pa ring mapagkunan ng pang-araw-araw na gamit ang mga taga roon. Pero pinagsumikapan ni Burnell Cotlon na mabago iyan. Noong Nobyembre 2014, binuksan niya roon ang unang tindahan matapos ang bagyong Katrina. Sabi niya, “Akala ng mga tao nababaliw na ako noong binili ko ang gusaling iyon. Pero naiyak ang unang mamimili ko dahil... hindi niya inakalang makakabangon muli ang pamayanan namin.” Sabi ng ina ni Cotlon, “May nakita ang aking anak na hindi ko nakita. Masaya akong hindi niya pinalampas ang pagkakataon.”
Gaya ni Cotlon, binigyan din ng Dios ng pagkakataon si Propeta Isaias na makakita ng hindi inaasahang pag-asa sa gitna ng kalamidad. Nakita ng Dios na “nangangailangan ng tubig ang mga mamamayan [Niyang] dukha, at wala silang matagpuan” (ISAIAS 41:17). Kaya ipinangako Niya, “paaagusin Ko ang tubig sa batis... ang mga lupang tigang ay magkakaroon ng mga bukal” (TAL. 18). Kapag naranasan nilang muli ang pamumunga ng mga puno at napawi ang kanilang uhaw at gutom, makikita, malalaman, at mauunawaan nilang “ang lumikha nito ay... ang Panginoon” (TAL. 20).
Ang Dios ang may akda ng pagbangon. Patuloy Siyang kumikilos para sa hinaharap kung kailan “palalayain din Niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito” (ROMA 8:21). Sa patuloy nating pagtitiwala sa kabutihan Niya, tinutulungan tayo ng Dios na makakita ng pag-asa sa hinaharap.
