Inilaan ni Reverend William Barber ang animnapung taon niya bilang pastor. Sa kabila ito ng pagiging hukot niya at laging nakatungkod. Nagkaroon kasi siya ng nakapanghihinang sakit kung saan nagdikit-dikit ang mga buto niya sa gulugod. Dahil dito, may nagsabi sa kanya nang ganito: “Barber, maghanap ka na ng ibang trabaho. Hindi gugustuhin ng simbahan ang isang may kapansanan bilang pastor.” Masakit ang mga salita, ngunit hindi hinayaan ni Barber na maapektuhan siya nito. Kumuha siya ng lakas sa Dios at patuloy siyang naging pastor. Hindi lang iyon. Ginamit din siya ng Dios bilang tinig ng mga mahihina at hindi napapansin sa lipunan.
Para sa iba, mas mahalaga ang ganda, lakas, o mga bagay na nabibili ng pera. Hindi tuloy nila nakikita ang kabutihang kaakibat ng ating mga kakapusan at kahinaan. Hindi man alam ng marami paano abutin ang mga may kapansanan, nariyan ang Dios. Sabi sa aklat ng Santiago: “Hindi ba’t pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako Niya sa mga nagmamahal sa Kanya?” (SANTIAGO 2:5). Kaya bumaba man ang ating kalusugan o lakas, hindi kailangang bumaba ang ating pananampalataya. Sa tulong ng Dios, kabaligtaran pa nga ang pwedeng mangyari. Maaaring magdulot ang ating kahinaan upang magtiwala tayo sa Dios. Kung paanong naghirap si Jesus, maaari ring gamitin ng Dios bilang pagpapala sa mundo ang mga basag nating buhay.
