Madalang nating marinig na umamin ng pagkakamali ang isang institusyon matapos ang isang trahedya. Pero ginawa iyon ng isang paaralan. Nagpakamatay ang isa nilang estudyanteng naging biktima ng matinding pang-aapi o bullying. Alam ng mga administrador ang sitwasyon ng estudyante, ngunit hindi sila gumawa ng sapat na aksyon. Kaya naman makalipas ang isang taon, umamin silang “kinapos sila” sa pagbibigay proteksyon sa estudyante. Ngayon, may maayos na silang mga polisiya at sistema patungkol sa bullying at kalusugang pangkaisipan.
Halimbawa ang bullying sa matinding epekto ng ating mga salita. Sinasabi sa aklat ng Kawikaan na huwag nating maliitin ang kapangyarihan ng salita. Dahil “ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay” (KAWIKAAN 18:21). Maaaring makabuti o makasama ang lahat ng lalabas sa ating mga labi. Minsan pa nga, maaari itong makamatay.
Paano magbibigay buhay ang ating mga salita? Sinasabi sa Salita ng Dios na dalawa ang pwedeng panggalingan ng ating mga salita. Karunungan o kahangalan (15:2). Paano naman tayo magkakaroon ng karunungan? Sa pamamagitan ng pagiging malapit sa Dios na nagbibigay karunungan.
Dapat tayong maging responsable sa ating mga salita. Bukod dito, dapat din nating ingatan at protektahan ang mga biktima ng masasakit na salita. Kung paanong nakamamatay ang salita, maaari rin itong magbigay sigla sa buhay ng iba (15:4).
