Minsan may narinig akong nagsabi, "Hindi natin mapipilit ang ating mga anak na sumampalataya. Pero maipapakita natin sa kanila kung bakit tayo nananampalataya." May katotohanan ang pahayag na iyon. Pero paano natin ito maisasabuhay?
Kung pag-uusapan ang pagpapalaki ng anak, malamang na hindi si Apostol Pablo ang unang papasok sa isip natin. Posible kasing wala siyang naging anak. Mas gusto ng maraming magulang na makinig sa payo ng isang taong naranasan na ang puyat sa pag-aalaga ng sanggol at ang sakit na dulot ng isang anak na lumihis sa tamang landas. Gayunman, may mahalagang itinuturo si Pablo tungkol dito.
Noong Saul pa ang kanyang pangalan, inuusig niya ang mga sumasampalataya kay Jesus pero nabulag siya (Gawa 9:1–9). Hindi nagtagal, dinalaw siya ni Ananias na lingkod ni Jesus. Naibalik ang kanyang paningin at ipinaliwanag ang misyong ipinagkatiwala sa kanya. Sinabi sa Biblia, "Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban Niya... Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig" (Gawa 22:14–15 asnd). Nang maglaon, nakilala si Saul bilang Pablo. Tapat niyang ipinahayag ang kanyang nakita at narinig, at pinagpala siya ng Dios ng maraming espirituwal na anak. Iyan ang naging paraan niya ng pagiging magulang ang magpahayag at manalangin para sa iba.
Hindi natin kayang pilitin ang ating mga anak o ang sinuman na sumampalataya kay Jesus. Pero, maaari nating ibahagi sa kanila ang ating nakita at naranasan sa Panginoon. Pagkatapos, ipanalangin natin sila. Ang Dios na nagsugo kay Pablo ang Siya ring nagsusugo sa atin ngayon upang ang iba ay magtitiwala kay Jesus.
