Gusto ko ang katangian ng tatay ko na mahusay sa direksiyon. Kahit saan man siyang lugar, alam niya kung saan ang hilaga, timog, kanluran at silangan. Para bang ipinanganak na ang tatay ko ng ganoon at palagi naman siyang tumatama. Hanggang sa gabing nagkamali siya.
Nang gabing iyon, naligaw sila ng nanay ko. Dumalo kasi sila sa isang okasyon sa hindi pamilyar na lugar at madilim na nang makaalis sila roon. Malakas ang loob ng tatay ko na alam niya ang daan pabalik. Pero nabigo siyang mahanap ang tamang daan at nagpaikot-ikot pa sila. Kaya naman, sinabi ng nanay ko sa kanya, “Alam kong mahirap, pero puwede kang humingi ng tulong gamit ang cellphone mo para sa direksiyon.”
Sa loob ng pitumpu't anim na taon ng buhay ng tatay ko, ito ang kaunaunahang pagkakataon sa pagkakaalam ko na nagtanong siya ng direksiyon, at sa cellphone pa.
Marami na ring pinagdaanan sa buhay ang manunulat na si Haring David at ipinakita sa Salmo 143 na naranasan din niyang maligaw ng landas at mawalan ng pagasa. Napuno rin ng pangamba ang kanyang puso (TAL. 4) at naharap pa sa kaguluhan (TAL. 11). Kaya nanalangin si David, “Ipakita N’yo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan” (TAL. 8). Kung humingi ng tulong ang tatay ko sa cellphone, humingi naman ng tulong si David sa Panginoon na kanyang pinagkakatiwalaan (TAL. 8).
Kung si David na itinuturing ng Dios na "isang taong mula sa Kanyang puso" (1 SAMUEL 13:14 MBB) ay paminsan-minsang naligaw at humingi ng tulong sa Kanya, kailangan din natin ang tulong ng Dios para makita ang tamang daan.