Tuwing 3:16 ng hapon, tumitigil si Shelley sa anumang ginagawa niya para magpuri at magpasalamat sa Dios. Sa pagkakataong iyon, inaalala ni Shelley ang kabutihan ng Dios. Mahalaga para kay Shelley ang itinakda niyang oras na iyon para sandaling manalangin. Nakakatulong ito upang lalo pa siyang mapalapit sa Panginoon.
Nagsilbi naman itong inspirasyon sa akin. Nagtakda rin ako ng oras sa bawat araw upang pasalamatan ang Panginoong Jesus dahil sa Kanyang pag-aalay ng buhay at upang ipanalangin ang mga hindi pa nagtitiwala sa Kanya. Iniisip ko kung ano kaya ang mangyayari kung ang lahat ng mga mananampalataya ni Cristo ay titigil sandali sa bawat araw upang purihin Siya at ipanalangin ang ibang tao.
Mababasa natin sa Salmo 67 ang mataimtim na pagpupuri sa Dios. Sa simula, ang manunulat ay humingi sa Dios ng kaawaan at pagpapala, at inihayag niya ang kanyang pagnanais na malaman ng lahat ang kadakilaan ng pangalan ng Dios (Tal. 1-2). Sinabi pa niya, “Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios” (Tal. 3). Nais rin niyang magalak ang mga tao dahil sa makatarungan na paghatol ng Dios at pagpapatnubay sa lahat ng bansa (Tal. 4). At bilang pagpapahayag sa dakilang pag-ibig ng Dios at sa Kanyang masaganang pagpapala, pinangunahan ng manunulat ang mga tao sa pagpupuri sa Dios (Tal. 5-6).
Ang walang hanggang katapatan ng Dios sa Kanyang mga anak ang nag-uudyok sa atin para purihin Siya. At kapag ginagawa natin ito, mahihikayat natin ang iba na magtiwala, sumamba at sumunod sa Kanya bilang ating Panginoon.