Lumaki si Brett kasa-kasama ang mga taong nagtitiwala kay Jesus—sa bahay, sa paaralan, at sa simbahan. Kaya hindi nakakagulat nang magdesisyon siyang pumasok sa isang Christian college upang magpakadalubhasa sa Biblia at kumuha ng kursong may kinalaman sa Christian work.
Subalit may bumago sa buhay ni Brett noong dalawampu’t isang taong gulang siya. Nakapakinig siya ng isang katuruang hango sa 1 Juan. Doon napagtanto ni Brett na sa kabila ng kanyang pagiging relihiyoso, hindi pa pala niya tinatanggap si Jesus bilang Tagapagligtas. Sa pagkakataong iyon, tila narinig niyang kumakatok si Cristo sa kanyang puso at nagsasabing, “Hindi mo pa Ako totoong kilala.”
Ayon kay Apostol Juan: “Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios” (1 JUAN 5:1). At mapag- tatagumpayan ng mga mananampalataya ni Jesus ang “laban sa mundo” (TAL. 4). Hindi sapat ang kaalaman lang; kailangan natin ang malalim at tunay na pananampalataya sa sakripisyo ni Jesus sa Krus ng Kalbaryo. Dahil sa karanasang ito, isinuko ni Brett ang buhay niya kay Cristo.
Ngayon, kilala si Brett sa kanyang malalim na pagmamahal kay Jesus. Makikita ito sa tuwing nagtuturo siya sa pulpito. Dahil ngayon, isa nang pastor si Brett. Siya ang aking pastor.
“At ito ang patotoo ng Dios: Binigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na itoʼy nasa kanyang Anak. Ang sinumang nasa kanya ang Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan” (TAL. 11-12).