Noong panahon ng COVID-19 pandemic, marami ang namatayan... Tulad ko. Pumanaw ang aking ina sa edad na 95 noong Nobyembre 27, 2020. Hindi man COVID-19 ang ikinamatay niya, pero dahil bawal ang malakihang pagtitipon-tipon, hindi namin siya lubusang naipagluksa. Hindi nakapagsama-sama ang aming pamilya para parangalan si Nanay. Wala ring nakapunta para makiramay. Gayunpaman, nagkaroon kami ng kapayapaan sa laging sinasabi ni Nanay. Kung pauuwiin na raw siya ng Dios sa langit, handa na siya. Sa katunayan, nasasabik na siya. Kung paano hinarap ni Nanay ang buhay, ganoon din niya hinarap ang kamatayan—puno ng pag-asa.

Tulad ni Pablo. Nang malaman niyang maaari na siyang patayin anumang oras, nasabik siyang umuwi kay Cristo: “Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang...May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako...” (FILIPOS 1:21, 23-24 ᴍʙʙ).

Ang pag-asa sa kabilang-buhay kasama si Cristo ang magbabago ng pagtanaw natin sa kamatayan. Ito rin ang magbibigay ng kapayapaan sa ating mga naulila, maging sa gitna ng pagluluksa. Kaya kahit nalulungkot tayo, hindi tayo nagdadalamhating “gaya ng iba na walang pag-asa” (1 TESALONICA 4:13). Dahil nagtitiwala tayo kay Cristo, at alam nating pagkatapos ng kamatayan, may buhay na walang hanggan sa piling Niya.