Dalawampung-taon pa lamang si Eric nang isuko niya ang kanyang buhay kay Cristo. Nagsimula siyang dumalo sa isang simbahan kung saan nakilala niya ang lider na tumulong sa kanyang mas makilala pa ang Dios. Hindi nagtagal, pinagturo na rin siya nito sa mga bata. Mula sa pagtuturo, naglingkod din si Eric sa pamamagitan ng pag-abot sa mga kabataang nangangailangan, pagdalaw sa mga matatanda, at pagtulong sa kanyang komunidad. Ngayon, sa edad na higit limampu, malaki ang pasasalamat ni Eric na naturuan siyang maglingkod sa murang edad. “Nag-uumapaw sa galak ang puso ko nang makilala ko si Jesus. Nararapat lang na paglingkuran ko Siya.”
Dahil sa kanyang ina at lola, bata pa rin si Timoteo nang nahubog ang pananampalataya niya sa Dios (2 TIMOTEO 1:5). ‘Di kalaunan, nakilala niya si Apostol Pablo. Nakita ni Pablo ang kakayahan ng kabataang si Timoteo kaya hinimok niya itong sumama sa kanyang paglalakbay para ipakilala si Cristo sa mga tao (GAWA 16:1-3). Si Pablo ang naging lider ni Timoteo sa paglilingkod at sa buhay. Pinayuhan siya nitong mag-aral, maging matatag sa paglaban sa mga maling katuruan, at gamitin ang kanyang kakayanan para maglingkod sa Dios (1 TIMOTEO 4:6-16).
Pero bakit nga ba hinimok ni Pablo na maglingkod si Timoteo sa Dios nang buong katapatan? “Dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao” (TAL. 10). Si Jesus ang ating pag-asa at ang Tapagligtas ng buong mundo. Nararapat lang na paglingkuran natin Siya.