Narinig mo na ba ang #slowfashion? Pinasikat ang hashtag na ito para labanan ang industriyang tinatawag na “fast fashion.” Binubuo ang fast fashion ng mga murang damit na madaling palitan. Mga damit na mabilis mawala sa uso kaya mabilisang tinatanggal sa merkado.
Sa kabilang banda, layunin naman ng slow fashion movement na hikayatin ang mga taong huwag laging makisabay sa uso. Na hindi kailangang bumili ng maraming damit. Ang kailanga’y pumili ng mga damit na gawa sa de-kalidad na materyales na siguradong magtatagal.
May nakita akong napakahalagang aral mula sa slow fashion movement. Hindi dapat madaliin ang lahat ng bagay. Tulad na lang ng pagbabago ng ating pagkatao mula nang makakilala tayo kay Cristo. Sinabi ni Apostol Pablo sa Colosas 3 na isang mahabang proseso ang pagbabagong ito. Hindi ito parang pakikisabay sa uso na madali at mabilis mawala. Sa halip, unti-unti at habambuhay na pinagsisikapan ang pagbabagong ito.
Kaya’t sa halip na gumamit tayo ng mga usong damit o bagong ideolohiya ng mundo, idamit natin sa ating sarili ang pagmamalasakit, kagandahang-loob, pagpapakumbaba, at pagpapasensya (TAL. 12). Huwag nating madaliin ang proseso ng pagbabago ng Dios sa ating puso, gayundin sa puso ng ating kapwa. Ito ang susi upang makapamuhay tayo nang may kapayapaan kasama nila (TAL. 15).