Lumaki si Seth sa isang magulong pamilya. Madalas na inaabuso ng kanyang ama ang kanyang ina, hanggang sa dumating ang araw na nagpakamatay ang kanyang ama. Dahil dito, kinuha ni Seth ang lahat ng gamot na nakita niya sa kanilang aparador. Gusto na rin niyang wakasan ang kanyang buhay. Ngunit bigla niyang naisip: “Saan ako pupunta kapag namatay ako?” Sa biyaya ng Dios, hindi namatay si Seth noong araw na iyon. Sa paglipas ng panahon, nakilala niya si Jesus bilang kanyang Tagapagligtas. Isa sa mga naglapit sa kanya sa Dios ay ang kagandahan at kaayusan ng Kanyang nilikha. Sinabi ni Seth, “Nakikita ko ang magagandang bagay na ito... at may isang lumikha ng lahat ng ito.”

Sa Genesis 1, mababasa natin kung paano nilikha ng Dios ang lahat ng bagay. Kahit “wala pang anyo at wala pang laman” ang mundo noon (TAL. 2), dinala Niya ang kaayusan mula sa kaguluhan. “Inihiwalay Niya ang liwanag sa kadiliman” (TAL. 4), inilagay ang lupa sa gitna ng dagat (TAL. 10), at lumikha ng mga halaman at hayop ayon sa kanilang uri (TAL. 11-12, 21, 24-25). Ang Dios na “lumikha ng langit at ng mundo... para matirhan” (ISAIAS 45:18) ay patuloy na nagdadala ng kapayapaan at kaayusan sa mga nagpapasakop kay Cristo.

Maaaring puno ng pagsubok at kaguluhan ang buhay. Ngunit purihin natin ang Dios dahil Siya ay Dios na “hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan” (1 CORINTO 14:33). Tumawag tayo sa Kanya ngayon at hilingin ang Kanyang tulong upang maranasan ang kagandahan at kaayusang Siya lamang ang makapagbibigay.