Minsan, nag-camping kami ng aking ama. Kitang-kita namin ang mga bituin sa langit. Hindi kasi kami gumamit ng tolda. Pero hindi namin kinalimutang magtayo ng apoy. Kailangan kasi ang apoy para itaboy ang mga mababangis na hayop. Tamang maganda ang lahat ng nilikha ng Dios, pero wala sigurong gugustuhing malapitan ng leon o ahas habang nagka-camping.

Iyan ang itinuro sa akin ng tatay ko habang nasa camping kami. Misyonero kasi siya sa Ghana, isang bansa sa Africa. Kaya naman, nagagamit niya ang anumang bagay o pangyayari para turuan ako ng aral.

Ginamit din ng Dios ang camping para turuan ang mga Israelita. Bawat taon, pitong araw silang titira sa mga toldang gawa sa “mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog” (LEVITICUS 23:40). Dalawa ang dahilan. Una, “upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas Ko sila sa Egipto” (TAL. 43). Pero bukod doon, gusto rin ng Dios na magdiwang sila. “Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Dios” (TAL. 40).

Mahilig ka mang mag-camping o hindi, simple lang ang mensahe. Nilayon ng Dios na alalahanin ng mga Israelita ang kabutihan Niya sa pamamagitan ng pagka-camping. Madalas nakakalimutan natin ang dahilan bakit may mga pagdiriwang. Pero kung tutuusin, masayang paalala ang mga ito kung sino ang Dios natin. Ngayon, nakita nating Dios Siya na lumikha rin ng pagdiriwang at kasiyahan.