Para bang nabubuhay ka sa isang panaginip at hindi ka magising. Iyan ang pakiramdam ng mga nakararanas ng derealization o depersonalization. Para bang hindi totoo ang mga bagay sa buhay nila. May ibang taong grabe ang nararanasan at maaaring masabing may karamdaman na kapag nasuri ng eksperto. Pero tila ba karaniwan din iyang nararanasan ng mga tao lalo na kapag matindi ang problema. May mga pagkakataon ding ganyan ang pakiramdam natin kahit maayos naman ang buhay. Para bang hindi kayang magtiwala ng isip na may magandang bagay ngang nangyayari sa atin.

Nilarawan din sa Biblia na minsan, hirap ang mga nagtitiwala kay Jesus na maniwalang totoo ang nararanasang pagliligtas ng Dios. Sa Gawa 12, pinalaya ng isang anghel si Apostol Pedro mula sa pagkabilanggo. Tulala ang apostol at hindi siguradong totoo ang nangyayari (TAL. 9-10). Nang iwan na siya ng anghel sa labas ng kulungan, natauhan siya at naunawaang totoo nga ang mga nangyari (TAL. 11).

Mabuti man o masama ang pangyayari, minsan mahirap paniwalaang totoong kumikilos ang Dios sa buhay natin. Pero magtiwala tayong habang patuloy tayong naghihintay at umaasa sa Kanya, darating ang araw na mapapatunayan nating totoo ang kapangyarihan Niya. Gigisingin tayo ng liwanag ng Dios mula sa ating paghimbing tungo sa katotohanan ng buhay sa Kanya (EFESO 5:14).