Ang Juneteenth ay isang selebrasyon sa Amerika tuwing Hunyo 19. Mula ito sa pinagsamang salitang June at nineteenth. Ipinagdiriwang sa araw na ito ang paglaya ng mga alipin noong 1865 na nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Abraham Lincoln. Pero sa estado ng Texas, huli na nang malaman nila ang pagdiriwang na ito. Kaya namuhay pa sila ng higit dalawang taon sa pagkaalipin kahit na pinalaya na pala sila.
Posible na mamuhay na isang alipin kahit malaya na. Sa aklat naman ng Galacia, isinulat ni Pablo ang isa pang uri ng pagkaalipin: ang mamuhay sa ilalim ng kautusan. Pinalakas ni Pablo ang loob ng kanyang mga mambabasa nang sabihin niya, “Pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya nʼyo at huwag na kayong magpaaliping muli” (GALACIA 5:1). Pinalaya na ni Jesus ang mga nagtitiwala sa Kanya mula sa mga batas ng kautusan. Pero marami pa rin ang namumuhay na parang alipin.
Ang totoo, sa oras na magtiwala tayo kay Jesus, pinalaya na Niya tayo sa anumang takot. Kabilang na rito ang pagpapalaya Niya sa atin sa takot na hindi masunod ang pamantayang hinihingi ng kautusan. Malaya na tayo. Mamuhay tayo sa kapangyarihan at sa tulong ni Jesus.