Napansin ni Shawn Seipler na maraming nasasayang na mga sabon sa mga hotel. Kaya naisip niyang ilunsad ang organisasyong Clean the World na gumagawa ng bagong sabon mula sa nagamit nang sabon sa mga hotel, barko, at pasyalan. Marami na ang natulungan ng organisasyong ito. Nakapagbigay rin sila ng mga sabon sa higit isandaang bansa para mapanatili ang kalinisan ng katawan at maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Sinabi ni Seipler, “Maaaring nakakatawa ang naisip ko, pero ang munting sabon sa iyong hotel ay makakapagligtas ng buhay.” Isa rin naman sa magagandang katangian ng ating Panginoong Jesus ang paggawa ng bago mula sa isang bagay. Nang pakainin Niya ng tinapay at isda ang limang libong tao, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang” (JUAN 6:12).

Hindi tinitingnan ng Dios na sayang ang ating mga buhay. Ang tingin Niya sa atin ay may kakayahan tayong maglingkod para sa Kanyang kaharian. “Ang sinumang na kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya” (2 CORINTO 5:17). Si Cristo na nasa atin ang nagbago sa ating buhay.