Kolehiyo pa lang, magkasintahan na sina Laneeda at Jim. Nagpakasal sila at nagsama nang masaya. Pero kinalaunan, naging kakaiba ang kilos ni Laneeda. Madalas siyang maligaw at makalimot ng mga bagay. Sa edad na 47, napag-alamang may sakit na Alzheimer’s si Laneeda. Matapos ng 10 taong pangangalaga sa kanya, nasabi ni Jim, “Dahil sa sakit, nabigyan ako ng pagkakataong mahalin at paglingkuran ang aking asawa sa mga paraang hindi ko naisip nang mangako ako sa kanya sa altar.”
Sa 1 Corinto 13, kasabay ng pagpapaliwanag ukol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu, binigyang-diin din ni Apostol Pablo ang halaga ng pag-ibig. Pinagkumpara niya ang ‘paglilingkod mula sa nguso’ at ‘paglilingkod mula sa puso’. Isinulat rin ni Pablo na mabuti ang mabisang pananalita, ngunit kung walang pag-ibig, para lamang itong ingay na walang kabuluhan (TAL. 1). “At kahit... ialay [ko] pati aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, wala pa rin akong mapapala” (TAL. 3). Sa huli, sinabi ni Pablo, “ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig” (TAL. 13).
Lalong lumalim ang pagkaunawa ni Jim tungkol sa pag-ibig at paglilingkod nang alagaan niya ang kanyang asawa. Wagas na pag-ibig ang nakapagbibigay kalakasan sa kanya upang magawa niyang arugain si Laneeda araw-araw. Pero sa huli, tanging sa Dios natin makikita ang sakdal na halimbawa ng pag-ibig. Isinugo Niya ang Anak na si Jesus upang mamatay sa krus at iligtas tayo sa kamatayan (JUAN 3:16). Ito ang sakripisyong bunga ng tunay na pag-ibig. At binago nito ang ating mundo.
