Noong 2022 FIFA World Cup final, naglaban ang bansang France at Argentina. Tinawag ito ng marami na “pinakadakilang laban sa kasaysayan ng World Cup.” Nang maipasok ng Argentina ang goal na nagpanalo sa kanila, nagdiwang ang buong bansa! Mahigit isang milyong taga Argentina ang nagtungo sa Buenos Aires upang magdiwang. Nagkalat sa social media ang mga kuha ng drone, kung saan makikitang sumasabog sa kagalakan ang buong lungsod.

Tunay na isang dakilang regalo ang kagalakan. Ngunit ayon sa Kawikaan, may mas malalim at mas pangmatagalang kagalakan na maaaring maranasan ang isang bayan: “Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga tao’y sumisigaw sa tuwa” (KAWIKAAN 11:10). Isang magandang balita kapag nagkakaroon ng impluwensya sa komunidad ang mga taong namumuhay ayon sa kalooban ng Dios. Ibig sabihin kasi noon, kumikilos ang katarungan ng Dios. Nawawala ang kasakiman, natutulungan ang mahihirap, at nabibigyang proteksyon ang inaapi. Kapag nananaig ang katuwiran ng Dios, nagiging masaya at pinagpapala ang isang lungsod (TAL. 11).

Kung ating isinasabuhay ang kalooban ng Dios, hindi lamang ito sa sarili nating kapakinabangan. Para rin ito sa iba. Nagiging mas maayos, mas makatarungan, at mas buo ang ating komunidad. Tinatawag tayo ng Dios na makibahagi sa Kanyang gawain na hilumin ang mundo at maging daluyan ng kagalakan sa ating lungsod.